top of page

Init at Kabuhayan: Paano Naapektuhan ng Matinding Init ang Kabuhayan ng mga Manggagawang Pilipino sa Kalakhang Maynila

Writer's picture: Greenline JournalGreenline Journal

Updated: Sep 24, 2024


Maagang paglabas ng isang kartilya ng dirty ice cream sa kalye upang samantalahin ang init ng panahon


Kabuhayan ng kabuhayan para sa ilan o pagkamatay ng kinabubuhay para sa karamihan? Ano nga ba ang tunay na lagay ng malawak na sektor ng paggawa at impormal na ekonomiya ng bansa sa ilalim ng El Niño?


Nagtala ng record high heat index ang maraming lugar sa bansa nitong unang bahagdan ng taon. Naitala noong Mayo 26 sa Guiuan, Eastern Samar ang pinakamataas sa bansa para sa taong 2024 na pumalo sa 55° na klasipikado bilang extreme danger kung saan mataas ang posibilidad ng heatstroke; habang naitala naman ang 46° sa NAIA, lungsod ng Pasay, noong Abril 24 na siyang pinakamataas kasaysayan ng Kalakhang Maynila.


Bukod dito, naitala rin sa maraming pang mga lugar sa bansa, partikular sa mga probinsya sa norte, ang heat index na pumailalim sa danger classification batay sa monitoring ng PAGASA.





Ang matinding init na naranasan sa bansa sa dalawang magkasunod na buwan ng Abril at Mayo ay naging dahilan ng pagsuspinde ng in-person classes sa mga paaralan at unibersidad sa bansa, at paglipat ng moda ng klase sa blended learning. 


Kabilang din sa mga pinakabulnerable sa matinding init ng panahon ay ang sektor ng mga manggagawa, higit lalo ang mga nasa ilalim ng tirik na araw, usok, at ingay ng kalye ang kabuhayan.


Isa na rito si Edward Figuerona, 59 taong gulang at 35 taon nang nagmamaneho ng traditional jeepney. Kasalukuyan siyang namamasada ng biyaheng Taytay-Crossing sa Parklea Jeepney Terminal sa Shaw Blvd., Mandaluyong. Aniya, nakaaapekto ang matinding init ng panahon sa mga gaya niyang tsuper, lalo na sa kanilang kalusugan. “Marami [sa] kagaya naming [mga] driver, tumataas ang blood pressure, nahe-heatstroke, minsan babagsak na lang. May mga driver na rin ditong bumagsak. Apektado rin ako kasi ang kalaban ko ‘yong pagkahapo,” saad nito. Dagdag pa niya, sa tuwing makararamdam ng pagkahapo dahil sa init ng panahon, pag-inom ng maraming tubig ang solusyon niya rito at agarang pagpapa-konsulta ng kaniyang blood pressure. “Mayro’n dito, ‘yong nag-b-bp— ‘papa-bp ako, ‘papa-blood pressure. ‘Pag mataas ‘yon, pahinga muna. Maya-maya aalis muna ulit. Basta’t makainom lang ng tubig okay na ‘yon. Kailangan mas marami, mas maganda.”





Sa kabila ng mga negatibong epekto ng matinding init sa bansa, para sa ilang mga manggagawang kabilang sa impormal na ekonomiya, ito ay naging benepisyal para sa kanilang mga negosyo.


Isa na rito si Irene, 53 taong gulang, apat na taon nang street vendor ng palamig sa kanto ng Pureza, Sta. Mesa, Maynila. Aniya, mas maraming mga namimili kapag mainit ang panahon dahil nakalalabas sila ng bahay, ‘di tulad sa tag-ulan na walang masyadong mga tao sa kalsada. Bukod pa rito, mas mataas ang kinikita ng kaniyang tindahan sa ganitong panahon. “Siguro, more or less, ₱1,000 or ₱1,200,” saad nito, nang tanungin kung magkano ang kinikita niya sa tag-init. Kumpara sa benta niya tuwing tag-ulan, higit na mas mataas ang naiuuwi ni Irene sa kaniyang pamilya sa tuwing magbebenta kapag mainit ang panahon.


Kung mayroong magandang dulot ang matinding init ng panahon sa pagtaas ng kita ng tindahan ni Irene, mayroon din itong epekto sa kaniyang kalusugan.


"Magte-take ka ng plenty of water para at least hindi ka rin ma-dehydrate. Nagtitinda ka pero kinakailangang health conscious pa rin." buhat niya. Ayon din sa kaniya, tuloy pa rin sila sa pagtitinda kahit na may nararamdamang hindi maganda. “Kailangan kapag nag-hahanapbuhay ka, hindi ka p’wedeng hihinto, kasi ‘yong mga customer mo mawawala.”


Gaya ni Irene na nasa init ng kalye ang hanapbuhay, isa rin si Abby, 20 taong gulang, ang nakararanas ng pagtaas ng kita sa kanilang negosyo tuwing panahon ng tag-init. 


Kasalukuyang nag-aaral si Abby at tumutulong sa kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga prutas. Sa gayong banggit, patunay lamang ang negosyong prutasan ng kaniyang pamilya sa isang artikulong inilathala ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) na oportunidad para sa mga negosyo, partikular sa mga kabataang gustong mag-ipon ng pera habang bakasyon, ang panahon ng tag-init. 





Ayon sa kaniya, walong taon na ang kanilang negosyong prutasan na inilalako gamit ang kariton. Dagdag pa niya, kapag maganda at maaraw ang panahon, mas maraming mga tao ang bumibili ng prutas na dahilan naman ng pagtaas ng kanilang benta. Sa mga ganitong pagkakataon, umaabot ng humigit-kumulang ₱800 ang arawang kita ng kanilang negosyo. Ngunit kapareho ng naunang nabanggit ni Irene na isang palamig vendor, madalas ring hindi nagtitinda si Abby sa tuwing ummulan dahil sa aniya’y “kakulangan ng mga mamimili.”


Nitong Abril ngayong taon, nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa mga sakit na kaugnay ng matinding init ng panahon na kasalukuyang nararanasan sa buong bansa.


Ayon sa DOH, ang mataas na temperatura ay maaaring magdulot ng heat cramps at heat exhaustion, na may sintomas na pagkapagod, pagkahilo, pagsakit ng ulo, at pagsusuka. Maaari rin itong magresulta sa heatstroke at pagkamatay kung hindi agad maaagapan ang matagal na pagkabilad sa matinding init.


Kaya naman upang labanan ang init nitong mga nakaraang buwan ng Abril at Mayo, gumagamit si Abby ng payong na panggalang sa sikat ng araw at tinitiyak na umiinom ng maraming tubig upang maiwasan ang mga nasabing karamdaman. Dagdag pa ni Abby, ang kaniyang tiyahin ang madalas na nagtitinda, ngunit sa mga pagkakataon na hindi nito kinakaya ang pagkahilo dulot ng matinding init ng panahon, siya ang pumapalit dito. “‘Yong tita ko kasi [ang] palaging nagtitinda. Ang tita [ko] kasi, ‘pag sobrang init, hindi na siya nagtitinda. Parang nahihilo siya, gano’n. Sobrang init,” saad ni Abby.


Hindi na bago ang El Niño sa bansa, ngunit ang naganap ngayong taon ay maituturing na isa sa mga pinakamatindi sa kasaysayan ng Pilipinas. 


Sa katanuyan, Agosto pa lamang noong nakaraang taon, inaasahan na ang pagkakaroon ng El Niño sa Pilipinas. Pumalo pa nang hanggang 56 percent ang prediksyon ng mga eksperto na tatama at mararanasan ang pinakamatinding El Niño sa bansa ngayong taon,  na siya namang nag-materyalisa, partikular sa pagsisimula nito noong buwan ng Marso.


Nauna na ring nagbababala ang tanyag na senior economist na si Ronilo Balbeiran sa isang economic briefing na pinangunahan ng Mandaue Chamber of Commerce, na kung mangyayari ang matinding El Niño sa bansa, kakaharap ulit ito sa krisis pang-ekonomiya, at maaaring matabunan ang mga hakbang na ginagawa para sa patuloy pa ring pagbangon sa mga naging epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya ng bansa.


Nito namang nakaraang Abril 22, 2024, naglabas ang International Labor Organization ng isang pag-aaral na pinamagatang, “Ensuring Safety and Health at Work in a Changing Climate,” na binigyang-diin ang relasyon ng init ng panahon sa kalusugan ng mga manggagawa at epekto nito sa pangkalahatang industriya ng lakas-paggawa sa buong daigdig.


Ayon dito, ang mga manggagawa, partikular na ang mga nabibilang sa impormal na sektor, ay higit na bulnerable sa mga panganib ng init na dulot ng pagbabago ng klima dahil sa kakulangan ng proteksyon mula sa Occupational Safety and Health (OSH) standards, mga pangunahing serbisyo, at imprastraktura (Dodman et al., 2023). Dahil na rin sa mga suliraning pampinansyal, hindi maaaring huminto sa pagtatrabaho ang mga manggagawang impormal kahit nasa peligro ang kanilang kalusugan dulot ng ekstremong mga pagbabago sa klima, dagdag pa nito.


Sa isang hiwalay na pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pinamagatang, “Macroeconomic effects of temperature shocks in the Philippines: Evidence from impulse responses by local projections,” malinaw na ipinakita ang manipestasyon ng mga abnormalidad at pagbabago ng klima sa paggalaw ng ekonomiya ng bansa. 


Base sa pag-aaral na ito, ang matinding tagtuyot na may kinalaman sa El Niño ay nagiging sanhi ng pagtaas ng mga produktong pang-agrikultural.


Sa gano’ng banggit, ang pagtaas ng one-degree Celcius sa taunang mean temperature ay sanhi ng pagkabansot ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa nang 0.37 percentage points, at tumataas nang hanggang 0.47 tuwing panahon ng El Niño. Karagdagan, ang ganitong abnormalidad sa pagtaas ng temperatura ay nagiging sanhi rin upang tumaas ang headline inflation nang 0.77 percentage points, na ugat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at tumatagal nang hanggang apat na taon.


Mula rito, mahihinuha na ang matinding init ng panahon na dulot ng pagbabago ng klima hindi lang sa bansa, ngunit sa buong daigdig, ang siyang ugat ng mga salik na nagpapahirap sa sektor ng mga manggagawa, na siya namang nagiging dahilan upang maapektuhan ang kabuuan ng ekonomiya ng bansa.


Ang mga katulad nina Edward, Irene, at Abby ay ilan lamang sa maraming buhay na patotoo sa usapin na ang kabuhayan at kawalan ay hindi pantay ng lapat para sa lahat— ang kawalan sa iba’y siya namang kabuhayan sa iilan. Ngunit kung titignan ang usaping ito sa mas malalim na perspektibo, hindi lamang ito usapin at pagtatala ng nabuhayan ng kabuhyan at ng nawalan. Hindi lamang ito usapin ng ekonomiya hangga’t may nawalan ng buhay at kinabubuhay.


Article | 𝗠𝗮𝗿𝗸 𝗝𝗼𝘀𝗲𝗽𝗵 𝗦𝗮𝗻𝗰𝗵𝗲𝘇

Researchers | 𝗭𝗲𝗻𝘆 𝗠𝗮𝗿𝗶𝗲 𝗖𝗲𝗿𝗮𝗻𝘁𝗲𝘀, 𝗠𝗮𝗿𝗸 𝗝𝗼𝘀𝗲𝗽𝗵 𝗦𝗮𝗻𝗰𝗵𝗲𝘇

Graphics | 𝗧𝗶𝗻𝗮 𝗠𝗮𝗿𝗶𝗲 𝗕𝗮𝗹𝗯𝗮𝗼

Contributors | 𝗗𝗿𝗶𝘇𝘇𝗮 𝗫𝗮𝗻𝗱𝗿𝗮𝗲 𝗚𝘂𝗺𝗽𝗮𝗹, 𝗬𝘃𝗼𝗻𝗻𝗲 𝗠𝗮𝗿𝗶𝘀𝘁𝗲𝗹𝗮









157 views0 comments

Comments


Post: Blog2 Post
bottom of page