Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao ay ang kuryente. Sa panahon ngayon na kung saan ang mundo ay umiikot na sa iba’t ibang inobasyong dala ng patuloy na pagbabago, mahalagang tanungin: Lahat ba tayo ay nakakasabay sa daloy nito?
Humigit kumulang 90% ang global share ng mga taong gumagamit ng kuryente sa buong mundo. Ganito na lamang kalaki ang demand sa kuryente sa buong mundo, kaya mahalagang tanungin kung abot kaya pa ba ito ng publiko? O kinakailangan na natin ng mga alternatibong maaring humalili sa kuryenteng mula sa fossil fuels?
Magkano ba ang kuryente?
Nitong Mayo, muling nag-anunsyo ng taas-singil ang Meralco na 0.4621 PHP kWh. Kung susumahin, aabot na ng 11.4139 PHP per kWh o karadagang 92 PHP sa kabuuang bill ng isang pamilyang kumukonsumo ng 200kW, kasama na ang mas mataas na generation charge na 0.08 PHP kWh na ipinatupad noong Enero.
Ang mas mataas na generation charge ay sanhi ng mas mahal na singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at mga Power Supply Agreement (PSA) at mga Independent Power Producer (IPPs).
Ang WESM ay ang sentralisadong merkado ng mga bultuhang kuryente na binuo ng Department of Energy. Ang PSA naman ang bilateral na kontrata sa pagitan ng mga generation company at mga distributor tulad ng Meralco. Habang ang IPPs ay mga kompanyang labas sa WESM at kadalasan ay small-scale lamang.
Kung titignan natin ang perspektibo ng mga ordinaryong pamilyang Pilipinong kumikita ng minimum wage na 610 PHP kada araw, o halos 15,000 PHP kada buwan, hindi ito sasapat lalo na kung ang pamilya ay mayroong tatlo hanggang limang anak.
Para kay John Louie Bereber, isang construction worker na may tatlong anak, hindi makatao ang halos 3,000 PHP monthly electricity bill, gayong kumikita lamang sya ng 14,000 PHP kada buwan at meron pa siyang tatlong anak na nag-aaral sa kolehiyo.
“Sobrang nakakabutas talaga ng bulsa 'yung 3,000 PHP na singil ng Meralco kasi mahirap pagkasyahin yung sinasahod ko para sa pang-araw-araw na gastusin” saad ni Louie.
Sa makatuwid, pinunan ng WESM, mga PSA, at mga IPP ang 30%, 36%, at 34% ng kabuuang energy requirement ng Meralco. Subalit, hindi maikakaila na kulang na kulang pa rin talaga ang suplay ng kuryente sa demand ng tao.
Sa katunayan, sumipa nitong Abril ang average demand ng 2,401 megawatts (MW) at nag-anunsyo din ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng tatlong araw na Yellow Alert at limang araw na Yellow/Red Alert na nagresulta ng rotating power interruptions mula Mayo hanggang ngayong Hulyo.
Sa tala ng Meralco, apektado nito ang 250,000 customers mula sa Metro Manila, mga kalapit na probinsya sa Luzon tulad ng Bulacan, Cavite, Laguna, at ilang bahagi ng Visayas gaya sa Cebu at Iloilo ayon sa Visayan Electric Co.
Renewable Energy
Ayon sa Pulse Asia Research, Incorporated, maraming mga Pilipino ang naniniwalang kailangan ang renewable energy sources gaya ng solar, wind, at hydropower, base sa resulta ng kanilang survey noong Setyembre 2023.
Mula sa 1,200 na respondente, 85% ang sumang-ayon sa paggamit ng renewable energy sources dahil sa kakulangan ng suplay dulot ng climate change.
Taong 2020 pa lamang ay may target na ang gobyerno ng Pilipinas para sa National Renewable Energy Program sa bansa. Sa taong 2030 inaasahang 35% na ang kabuuan ng renewable energy sa bansa, na kalauna'y magiging 50% pagdating ng 2040. Sa kasalukuyan, nasa 24% pa lamang ang nasasakop ng renewable energy sources sa energy mix ng bansa ayon sa huling ulat ng Department of Energy.
Sa sikat ng araw
Sa renewable energy sources na ito, solar panels ang isa sa pinaka-umusbong. Ang solar energy ay isa sa mga pinaka-importanteng pinagkukunan ng renewable energy sa buong mundo, na patuloy na tumataas ang paggamit sa nakalipas na ilang taon.
Mula sa 100,000 MW noong 2012, patuloy na lumobo ang global solar PV installations na umabot na sa 1.6 terawatt (TW) noong 2023.
Ayon sa International Renewable Energy Agency, 1.7 GW ng solar energy na ang nagagamit sa Pilipinas noong taong 2023, ipinapahiwatig na mas malaki pa ang kayang magawa nito sa taong 2024.
Sa katunayan, madadagdagan pa ito ng 1.98 Gigawatts (GW) ngayong taong 2024 na bahagi ng 4.2 GW renewable energy projects ng Solar Philippines.
Ayon sa renewable energy expert na si Ping Mendoza, malaki ang maitutulong ng solar energy sa patuloy na pagtaas ng konsumo at singil sa kuryente. Inanyayahan ni Mendoza na i-konsidera ang paggamit ng solar para i-explore ang tinatawag na "grid-tied systems with net metering," isang programa sa ilalim ng Department of Energy's Renewable Energy Act of 2008.
Ang sistema ng net metering ang nagpapahintulot sa mga homeowners na ibenta ang sobra nilang solar power pabalik sa grid sa mas murang halaga. Sa sistemang ito, natutugunan na mas maging abot kaya ang solar energy sa publiko.
Ayon sa Department of Energy (DOE), sa patuloy na paglaki ng populasyon, ang panlipunang benepisyo ng solar power system sa Pilipinas ay napakalawak. Sa pamamagitan ng paglikha ng mga trabaho, pagpapabuti ng access sa kuryente, pagtataguyod ng social equity, at pagbabawas ng poverty sa bansa, ang solar power ay nagsisilbing isang mahalagang bagay para sa lipunang patuloy na nagbabago.
Sa RAON, liwanag para sa mga consumer
Ilang kanto mula sa maingay at mataong Quiapo, Maynila, matatagpuan ang Raon Shopping Mall na kilalang bentahan ng mga murang electric products na dinadayo ng mga Pilipino para makatipid sa bilihin. At ang isa mga dinarayo dito ay ang iba’t ibang solar products tulad ng solar panels at solar lights.
Ayon sa mga nagtitinda nito, ang mga produktong solar na ibinebenta nila ay mula sa mga direct supplier mula sa bansang China. Ayon rin sa mga ito, na halos isang dekada nang nagtitinda sa Raon, kumikita sila ng halos 5,000 PHP kada araw at kung minsa’y maaring kumita ng 200,000 kung malakas ang benta.
Ayon rin sa kanila, matumal naman na talaga ang bentahan nito ngunit mas lalong tumumal nung nagkaroon ng Covid-19 Pandemic. Kadalasan rin na nagkakaroon ng malaking demand tuwing summer at pasko lalo na ang mga solar powered christmas lights.
Pero para kay Anthony, 31 years old, na dalawang dekada nang nagbebenta ng mga solar products, tiyagaan nalang talaga sa pagbebenta dahil wala ng season na malakas dahil nga sa panahon ngayon, usong uso na ang online shopping.
“Lalo na nung nagpandemic, bumaba talaga ang kita kasi ang presyo ng mga tinda namin dito, nakasunod 'lang sa presyo na binababa ng supplier namin sa China. Eh 'pag tumingin ka sa online, doble o triple ang binaba ng presyo. Hindi naman namin kaya sumabay sa presyuhan do'n” sabi ni Anthony.
Ayon pa sa kanya, kung kumita ka ng 500 PHP sa isang araw, malaki laki na iyon.
Kung sa usaping pag-usbong, talaga namang lumago ang industriya ng solar products dahil sa mga bago pang naiimbentong produkto na solar powered. Pero, para sa mga maliliit na negosyanteng nagtitinda nito, hindi naman sumasalamin ang pagsikat ng mga ito sa kinikita nila.
“Binabagsak presyo nalang namin o kaya balik-puhunan kapag may mga naiimbak kasi kapag nasira kahit yung karton 'lang na lagayan n'on, hindi na mabibili” saad ni Anthony.
Kaya kung minsan, tinatyaga niya talagang maghanap ng kliyenteng pangmalakihan ang hanap gaya ng mga Barangay Projects tulad ng street lights, o kung kaya ay naghahanap siya ng kliyente sa probinsya.
“Sa probinsya talaga marami kang mahahanap na kliyente na malakihan ang binibiling mga solar panels pero swertihan talaga. Kaya kung uupo ka 'lang dyan sa pwesto mo, hindi ka talaga kikita” dugtong nito.
Sa online shopping platform na Tiktok Shop, ang price range ng mga solar panels at solar lights ay naglalaro sa 100-1,000 PHP at ang iba pa dito ay may iba’t ibang mga promo tulad ng buy 1 take 1 o free shipping na panghatak ng customer at ayon kay Anthony, hinding hindi nila kayang sabayan ito.
Pwede naman daw sana na mag-online selling na rin sila ngunit, para kay Anthony, mas mainam pa rin kung personal itong nabibili upang nabigyan ng pagkakataon ang mga mamimili na subukan ang mga produktong bibilhin nila.
Para sa mga tradisyonal na vendor tulad ni Anthony, ang paglago ng solar business sa online platform ang pinakamalaki nilang kalaban. Para naman sa mga mamimili, praktikal lamang na bumili kung saan mas mura.
“'Yung presyuhan kasi namin nakadepende talaga sa kung magkano 'yung bigay na presyo sa amin ng supplier kaya wala kaming kakayahan talagang magbigay ng mas mura tulad ng sa mga online kasi wala talaga kaming kikitain” saad nito
Kaya naman bukod sa pagtitinda, suma-sideline rin si Anthony bilang installer ng solar panel upang pandagdag kita sa pamilya nila.
Liwanag para sa mga Pilipino
Kung tatanungin daw si Marvin Reyes, 23 years old, at nakatira sa Baao, Camarines Sur, malaking tulong ang solar products sa kanila dahil kung dati’y umaabot ng lagpas 800-1,000 PHP ang bill nila sa Meralco, mula ng nagpakabit sila ng Solar Panel, naglalaro na lamang ito sa 300-600 PHP.
Taong 2013 ng nagsimula silang magpakabit ng solar panel dahil naengganyo sila sa kwento ng kabitbahay nila na malaki ang ibinawas nito sa monthly billing nila.
Bukod pa sa nagiging epekto nito sa kanilang monthly billing, mahaba rin ang buhay ng solar panel dahil ito ay umaabot ng 20-30 years ayon sa Market Watch.
Taong 2016 naman ng magsimulang bumili ng mga solar lights si Caren Samon, 37 years old, at taga Camarin, Caloocan City.
“Bumili kami ng mga solar lights para 'yung ilaw namin sa labas hindi na kailangang patayin sa gabi. Para rin may ilaw 'yung mga dumadaan do'n samin” saad nito.
“Pati mga christmas lights namin tuwing pasko solar solar din para iwas na rin sa sunog at nakakamura talaga kami sa kuryente” dagdag pa nito.
Pero para sa ibang pamilyang kumikita lamang ng sapat, mahirap itong maging prayoridad para sa kanila.
Ayon sa mag-asawang Paul at Elle Baes mula sa Cavite, 100,000 hanggang 200,000 PHP ang kabuuang gastos nila sa pagpapakabit ng inverters, wirings, pagsasaayos ng grounding system at net metering. Sa laki ng gagastusin, malabo na agad ang ambisyong zero-bill para sa ordinaryong pamilyang Pilipino.
Hindi pa man kaya ng nakararami ang setup katulad ng sa pamilya Baes, malinaw naman na mayroong pagtangkilik sa solar energy at iba pang renewable energy sources. Ang paunti-unting pagbili ng mga tao ng mga ganitong produkto para sa kanilang tahanan ay malaking kabawasan na sa buwanang pasanin na mataas na singil ng kuryente.
Sa patuloy na pagbabago ng mundo, mahalagang nakakasabay ang bawat isa. Walang naiiwan sa adbokasiya para sa mura at abot kayang mga serbisyo. Dapat gumawa ng mga programa ang gobyerno upang lahat ng madilim na bahagi ng Pilipinas ay mailawan, dahil ang ilaw ay nagbibigay ng buhay at pangkabuhayan.
Article | Pexcel John Bacon, Ronnie Crispo, Madeleine Gonzales, Kathleen Olsim
Infographics | Jadeite Barrameda, Madeleine Gonzales
Comments