top of page

Pag-ahon Mula sa Basura: Ang Pagsasaparaiso ng Payatas Dumpsite

Updated: Sep 24, 2024

Bundok ng basura. Dagat ng mga kalat. Nalimot na tapunan. 


Sa mahabang panahon, nakilala ang Barangay Payatas sa Lungsod Quezon bilang tambakan ng mga basura, hindi lamang ng siyudad kundi pati na rin ng buong Metro Manila.



Sa tuwing nababanggit nga ang pangalan ng lugar ay hindi maiwasang pumasok sa isip ang Payatas Controlled Disposal Facility (PCDF) o mas kilala ng mga lokal sa tawag na “Payatas Dumpsite.” Ngayong halos isang dekada na itong sarado sa bisa ng Batas Republika Bilang 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, may panibagong yugto ng kaunlaran na naghihintay sa dating tambakan na ito.


Mga Alaala ng Payatas Dumpsite


LARAWAN MULA SA PHILIPPINE STAR


Ngunit, kasabay ng bawat hakbang tungo sa pag-unlad ay ang pag-alala sa isang madilim na tagpo sa nakaraan—ang trahedyang bumulabog sa bansa noong taong 2000—ang pagguho ng bundok ng basura na kumitil sa daan-daang mga buhay at siyang naglibing sa kanila sa ilalim ng mga yagit.


Sa paglipas ng mga taon, patuloy ang pagkalat ng mabahong reputasyon ng dumpsite na siyang nakaapekto rin sa pagtingin sa mismong Barangay. 


Ayon sa ilang mga pag-aaral, ang tambakan ay siya ring pumeste sa katubigan sa kanyang paligid. Ang mas masama pa, ang mga tubig na ito ay ang siyang pinagkukunan ng mga residente ng lugar at mga kalapit na lungsod at munisipalidad. 


Dahil sa mga panganib na dulot nito sa kalusugan ng mga tao at sa kalikasan, agarang ipinag-utos ng Environmental Management Bureau (EMB) ang pagpapasara ng nasabing tambakan noong 2017.


Bagong Kabanata


Tatlong taon matapos tuluyang ipasara, isang panibagong kabanata ang sinubukan umpisahan ng lokal na pamahalaan para sa Payatas. 


Taong 2020 nang i-anunsyo ni QC Mayor Joy Belmonte sa isang tweet ang pagsasagawa ng isang bike park sa loob mismo ng dating dumpsite. Ito ay kabilang sa kanyang hangarin na magsulong ng makakalikasang pamumuhay sa lungsod. Sa inisyal na pahayag, plano rin umano ng pamahalaan na magtayo ng iba pang mga bukas na espasyo at mga pasyalan na maaaring pagdausan ng iba’t-ibang mga rekreasyunal na mga aktibidad, tulad ng open-air museum at dog park.




“Ang daming namangha kasi ang galing, ang laki ng in-improve niya,” ani Aileen, may-ari ng isang tindahan sa tapat ng dating PCDF at 22 taon nang residente ng Barangay. 


Dagdag pa niya, nang buksan ito sa publiko ay talaga namang naengganyo ang maraming katulad niya na pumasok dito. “Maganda raw po… mahangin,” pahayag niya. 


Ayon naman kay Dentor, tatlong taon nang gwardya ng PCDF, dahil at kahit tuwing Biyernes hanggang Linggo lamang bukas ang parke, dinadagsa ito ng maraming mamamasyal.

 

“Marami[ng tao]. Syempre, kapag tanghaling tapat, uwian na mga tao. Mga hapon, alas kwatro, ‘yan, babalik ulit sila,” salaysay niya. 


Sa kabila ng maluwag na pagtanggap, hindi nagtagal ang pagbubukas ng nasabing parke. Hindi pa man natatapos ang taong 2023 ay pansamantalang ipinasara muna ang bagong bukas na paraiso.


Saradong Paraiso Sa Mata ng Tao at Awtoridad


LARAWAN NI CHARLES VINCENT NAGAÑO


Sa ngayon, walang kasiguraduhan ang mga residente kung kailan ito bubuksan muli.


Magkakaiba rin ang pagkakaintindi nila kung bakit nga ba ito pansamantalang isinara. 


“Siguro kasi noong lumindol, noong nakaraang buwan ba ‘yun? Para siyang nagkaroon ng crack kaya hindi na sila nagpapapasok. For safety din, kaya ‘di sila nagpapapasok,” ani Aileen. 


“September yata ‘yun, kasagsagan ng tag-ulan. Lumambot ‘yung lupa kaya nagkaroon ng ano sa biking lane,” sagot naman ng gwardya. 


Ayon naman sa mga opisyal ng Barangay Payatas, malaki ang gampanin ng naganap na trahedya mahigit dalawang dekada na ang nakalipas sa pansamantalang pagpapasara ng parke. 


Sa pananaw ng isa sa mga kasalukuyang administrador ng Barangay at isa sa mga biktima ng nasabing trahedya, may kalsada sa loob na nagkaroon ng butas. Sa pag-iingat na huwag maulit ang nangyari noon o anumang uri ng kapahamakan, agad na binigyang aksyon ng pamahalaan ang isyu. Kasalukuyang isinasaayos ang sirang daan at sinisigurado na hindi na magkakaroon pa ng mga katulad na insidente. 


Pinagtibay naman ng pahayag ng Kapitan ng Barangay ang salaysay ng administrador. Saad niya, kailangan munang mabigyan ng maayos na suporta at pundasyon ang lupang kinatatayuan ng parke upang higit na masigurado ang kaligtasan bago ito muling buksan sa publiko. 


Bagaman may bahagyang pagkakaiba sa pananaw ng mga tao sa kung bakit nga ba ipinasara ang kakabukas lamang na parke, isa lang ang sigurado—para ito sa ikabubuti ng marami lalo na ng mga siklista at mamamasyal.


Parke, Paraiso, Pag-asa


Bukod sa pagpapabuti sa kalidad ng hangin at pagsusulong ng makakalikasang pamumuhay, hangad din ng proyektong ito ang magbukas ng maraming oportunidad para sa mga residente ng Payatas. 


Inaasahan ng Barangay Payatas na magiging malaki ang positibong dulot ng pagpapatayo ng mga ganitong pasilidad sa syudad—mula sa pagbubukas ng maraming trabaho, pagpapaunlad sa turismo, hanggang sa pangkalahatang estado ng Barangay at ng lungsod.

 

Sa mahabang panahon, naging mabaho at madumi ang imahe ng Payatas sa paningin ng marami. Kaya naman, naging kalugod-lugod ang hakbang na ito para sa mga residente. Sa wakas, maaari nang matanggal ang mantsa sa kanilang reputasyon. 


Ang kanilang mga pananaw ay repleksyon ng kung ano nga ba ang pag-unlad na inaasam ng mga Pilipino—kasama ang kalikasan.


Article | Charles Vincent Nagaño

Contributors | Maria Lourdes Cristina Balbao, Zeny Marie Cerantes, Madeleine Gonzales, Mark Joseph Sanchez

Layout | Charles Vincent Nagaño

Comments


Post: Blog2 Post
bottom of page