top of page

Sagwan sa Karagatan: Hamon, Pag-asa at Kinabukasan ng mga Mandaragat

Updated: Sep 24, 2024


NAVOTAS CITY - Sa bawat agos ng tubig sa karagatan, ay meron itong iba’t - ibang kwentong pinanghahawakan; kalikasan man o sa mga nakikinabang nito para sa kanilang pamumuhay. Ang mga malalakas na hampas ng alon ay siyang may mensaheng nais na iparating sa karamihan; mga problema, epekto at mga agarang aksyon.




Ano nga ba ang mga kwentong dala ng munting dagat sa ating bansa?



Kilala ang Pilipinas bilang isang arkipelago o pinagsama-samang pulo na kung saan ay mayabong sa biyaya ng karagatan. Kalakhan sa mga mamamayang nakatira sa iba’t ibang kapuluan sa bansa ay patuloy na kinakapitan ang kabuhayang bigay ng nito sa mamamayan; lumilikha ng maraming trabaho ang malawak na anyong tubig ng bansang Pilipinas.


Sa kabila ng yaman ng Pilipinas partikular sa anyong tubig, malalang lagay naman ng karagatan ang patuloy na kinahaharap ng masang Pilipino. Ang anyong tubig sa kalunsuran at ilang bahagi ng kanayunan ay halos kaunti hanggang sa wala na ang nabubuhay na yamang dagat buhat ng lumalalang polusyon. Ayon sa ulat ng Senado noong Agosto 2023, 43% o 180 mula sa 421 na ilog sa Pilipinas ang kumakaharap sa polusyon sa tubig, dahil sa hindi maayos na pagtatapon ng basura mula sa mga kabahayan, pagawaan, korporasyon, at agrikultura. Noong 2021 naman, 56% o 13 sa 23 na anyong tubig na kinokonsumo ng mamamayan ay hindi naabot ang batayan upang maging ligtas ito na inumin. Sa patuloy na pagkasira ng yamang dagat ay dagok naman sa mga mamamayan ang kapalit dahil sa epekto nito hindi lamang sa kalusugan, maging sa takbo ng kanilang nakasanayang pamumuhay.


(Pangisdaan sa lungsod ng Navotas)


Mayroon nang kaakibat na batas ang mga polusyon na kinakaharap ng ating mga yamang dagat, ito ang Clean Water Act of 2004 o RA 9725. Isang batas na naglalayon ng pagbabawas at pagkontrol ng polusyon mula sa mga pinagmumulan ng lupa, at naglalatag ng mga pamantayan at regulasyon ng kalidad ng tubig. Ang batas na ito ay dapat ilapat sa pamamahala ng kalidad ng tubig sa lahat ng mga anyong tubig: sariwa, maalat at dagat na tubig.


Maraming mga lungsod sa bansa ang nakakaranas ng polusyon sa tubig at isa na rito ang lungsod ng Navotas. Kilala ang lugar bilang The Fishing Capital of the Philippines, kung saan nakalakhan ng mga Navoteno o mamamayan ng lungsod na ito ang umaasa sa mga naibibigay na suporta ng yamang tubig. Maraming mga trabaho ang nabigay ng karagatan na siya ngayon ay bumubuhay sa libu-libong Navoteno, at isa na rito si Arturo Hisoler.


(Arturo Hisoler, isang mangingisda sa lungsod ng Navotas)


Binata pa lamang nang umpisahan ni Mang Arturo ang pangingisda sa Manila Bay hanggang sa mga karatig na karagatan pa nito. Sa tulong ng hanap-buhay na ito ay natustusan niya ang pag-aaral at pangangailangan ng kaniyang mga anak hanggang sa kasalukuyan dahil sa patuloy na pangingisda. Sa mahabang panahon na si Mang Arturo ay nangingisda, gagap nito ang pagbabago ng sitwasyon sa malawak na karagatan buhat ng polusyon. Ang noo’y samu’t saring isda sa loob ng kanilang mga lambat, napalitan ng maitim na dumi at basura ng siyang nagdulot ng pagkasira ng karagatan.


“Dati maganda yung karagatan (o) ilog. ngayon, sa dami na ng mga nakatira, ‘yung "basura nila, tinatapon lang sa tubig, hindi nila sinisinop…Malinis pa yung dagat maginhawa sa mga nanghuhuli ng isda.”


Bukod pa sa mga inilatag niyang dahilan kung bakit patuloy na nagbabago ang kalagayan ng kanilang pangingisda, isa rin sa itinuturo nitong dahilan ay ang reklamasyon sa ilang bahagi ng Navotas upang itayo ang ilang mga negosyo gaya ng Airport mula sa panguna ni Ramon Ang. May mga panahon na sila ay pinagsasabihan na lumayo sa bahagi ng ginagawang reklamasyon noong panahon na naghuhukay pa ang mga ito upang hindi raw masagasaan sa oras ng kanilang operasyon. Sa kabila ng sagabal na reklamasyon, pinanghahawakan naman ni Mang Arturo ang pangako na binitawan sa kanila.


(Reklamasyon na isinasagawa na siyang problema ng mga mangingisda)


“Wala. Yung ano lang, yung pinangako lang, ano, kung matapos yung mga project nila, ang una makapag-trabaho, yung mga taga dito, mga kabataan.”


Sa patuloy na pag-usad ng panahon upang tunguhin ang maunlad na kinabukasan, walang humpay ang pakikipagsapalaran ng mga manggagawang Pilipino upang hindi mapagiwanan habang mabilis at patuloy ang giitan ng karapatan sa likas na yaman. Sa kasalukuyang datos na naitala ng Philippine Statistics Authority, bumaba ng 11.3% ang produksyon sa pangingisda noong ikalawang bahagi ng taon noong 2023 kumpara sa parehas na bahagi ng taong 2022. Bumaba rin ang komersyal na pangingisda ng 14.5% sa parehas na sinuring panahunan. Gayundin, bumaba ang mismong produksyon sa munisipal na na bahagi ng 16.8%.


Ang mga datos na ito ay ilan lamang sa nagpapatunay na malaki ang nagiging epekto ng polusyon sa tubig para sa mga mamamayan na pangingisda lamang ang kinakapitang hanapbuhay. Sa likod ng mga ito iisa lamang ang tugon ng mga Pilipino; maayos na aksyon at konkretong tulong mula sa mga namamahala.


Isa ang 52 taong gulang na mangingisda na si Warley Malong ang apektado ng polusyon sa tubig. Sa loob ng 22 taon niya bilang isang mangingisda, pawang mga lambat na lamang ang naiaabot na tulong sa kanila ng namamahala sa lungsod.


(Warley Malong, mahigit 30 taon ng mangingisda sa lungsod)


“Nagagamit ngunit madalang kung makahuli.” -Ganito kung ipaliwanag ni Mang Warley ang kanilang sistema sa panghuhuli ng isda na siyang nakaaapekto sa kinikita nila

bilang mga mangingisda. Ang dating tatlong libong maghapong kinikitata nila ay bigla na lamang naglaho ng parang bula dulot ng polusyon sa karagatan.


(Mga munting lambat na nagsilbing tulong sa mga mangingisda)


Ayon sa datos ng Commercial Fisherman Salary of the Philippines umaabot ssa 180,000PHP kada taon ang karaniwang kita ng mga mangingisda sa bansa, tila pumapatak ito ng 500-700PHP kada araw at ito ay depende pa sa kanilang mahuhuli. Sa kasalukuyan, hindi maganda ang kalagayan ng mga mangingisda, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay bumaba ng 0.33% ang produksyon sa makalipas na mga taon, dahil sa iba’t ibang panahon na naranasan ng bansa, isa na rin dito ang mga polusyon sa karagatan at lubos na nakakaapekto sa mga nahuhuling isda.


Ang pagkakaroon ng isang samahan upang sumuporta sa mga mangingisda ay isang malaking papel sa isang lungsod, ngunit ito ang isa sa naging kahinaan ng ilang barangay sa lungsod ng Navotas. Sa kabilang banda, ayon sa datos ng Philippine Information Agency, ang nag- iisang samahan ay ang “FisherFolk Organization” ang nangunguna sa pagsulong ng mga karapatan ng mangingisda. Ito ang pinakamalaking samahan ng mga mangingisda sa Navotas.


May iilang ring naitatayong samahan ngunit hindi rin nagtatagal, ‘gaya na lamang nang ibinahagi ni Samuel Miller, mahigit 40 taon ng mangingisda ng lungsod. Noong taong 1975 ay mayroong naitatag na samahan ang kaniyang ama para sa mga maliliit na mangingisda ng Navotas, ngunit nang pumanaw ito ay tuluyan na ring naglaho ang samahang naitayo nito.


(Samuel Miller, isa sa pinakamatagal na mangingisda ng Navotas)


Isa ang Fisher’s Cove na pawang maliit na proyekto o tulong na ibinibigay ng Mayor ng lungsod, kung saan maliban sa pag-aabot ng tulong ‘gaya ng lambat at pagkain, nagbibigay din ito ng mahigit tatlong libo bilang dagdag na pantustos ng mga mangingisda. Sa likod ng mga natatanggap na tulong, hindi ikaka-ila ni Mang Samuel na hindi ito nagiging sapat upang tugunan ang mga pangangailangan nila sa buhay.


(Sa pagsapit ng dapit-hapon, matapos pumalaot ay tulong tulong ang mga mangingisda buhatin ang bangka na ginamit sa pangingisda)


“Aalis kami ng alas singko nang madaling araw, alas singko rin ng hapon kami umuuwi, sa umaga wala kami ang mahuhuling isda, pagdating ng hapon tsaka siya nagkakaroon kaya hapon na rin kami umuuwi.”


Ito ang pahayag ni Mang Samuel na nagpapakita at nagpapatunay na hindi madali ang maging isang mangingisda. Gigising ng maaga upang pumalaot at uuwi ng dapit-hapon bitbit ang mga lalagyang walang kasiguraduhan kung may mauuwing kita at maihahain sa lamesa.


Ayon sa PSA sa ikalawang quarter ng 2023 kumpara sa nakaraang taon, habang bumaba ng 11.3% year-on-year ang produksyon ng huli ng mga isda. Ang pagbaba sa produksyon ng pananim at isda, gayunpaman, ay mas mabagal kaysa sa pag-urong noong nakaraang taon.


Sa perspektibo ng isang mangingisda kayaga ni Mang Samuel, hindi alintana ang pananakit ng bewang kung gusto mo ang trabaho at ginagawa mo, dahil sa bawat sakit na nararamdaman ay may kaakibat na tunguhin at dahilan.


“Oo, malakas ang hangin masakit ang katawan ko eh. Pero pag lumabas ako, wala na yung sakit ng katawan ko. Pag naman ako maraming huli, ayokong huminto. Sayang. Pagka naman ako natalo sa konsumo, ayokong rin lumabas o huminto dahil gusto ko makabawi. Ganun eh, parang adik ka na sa pangingisda, yun na yung buhay mo.”


(Mga mandaragat na patuloy ang pangingisda, sa likod ng patuloy na nararanasang polusyon sa tubig)


Sa mundo ng pangingisda walang madali, mahirap ngunit lahat ay nabibigyan ng makabuluhang solusyon. Ang polusyon sa tubig ang siyang nagpapatunay kung bakit patuloy na nasisira ang kagandahan ng karagatan, na tirahan ng mga munting isda na siyang kabuhayan ng ilang mamamayan ng bansa. Sa patuloy na pagkasira ng ating karagatan, ay siya ring patuloy na paghihirap ng ating mga mangingisda.



Ang buhay na kinalakihan nila Mang Arturo, Mang Warley at Mang Samuel ay nagpapatunay lamang ng mga epekto ng polusyon sa tubig sa buhay ng isang tao. Mga istoryang magbubukas sa isipan ng mga mamamayan kung ano ang nararapat na gawing aksyon upang pangalagaan ang karagatan at matulungan ang mga mandaragat.


(Munting Samahan ng mga maliliit na mangingisda sa lungsod ng Navotas)


Wala mang organisasyong sumasalo sa likod ng mga mangingisdang ‘gaya nila, ngunit ang kanilang maliit na samahan ang siyang matatag at nagbubukod tanging kasangga nila sa hirap at ginhawa. Sa likod ng polusyon, patuloy pa rin ang sagwan sa karagatan.


Article | Daniela Riego | Aicy Marie Castulo | Carmela Apat

Photos | Sheina Malague | Aicy Marie Castulo





Comments


Post: Blog2 Post
bottom of page