Pasig River Urban Development Project: Ang Rehabilitasyon sa Lente ng Komunidad, Lokal na Pamahalaan at Organisasyong Pangkapaligiran
- Greenline Journal
- Feb 9, 2024
- 5 min read
Updated: Sep 24, 2024
Sa haba ng 27 kilometro mula Laguna de Bay hanggang Manila Bay, ang Ilog Pasig ay sumasaklaw sa anim na siyudad ng Kalakhang Maynila. Ito ay kilala bilang isa sa mga maduduming ilog sa Pilipinas.

Ang kasalukuyang kalagayan ng Ilog pasig sa kanang bahagi ng Jones Bridge noong ika-1 ng Pebrero /
Kuha ni Brian Rubenecia
Ang Ilog Pasig ay dating sentro at ruta ng transportasyon, pakikipagkalakalan at komersyo na nagpaunlad sa buhay ng mga Pilipino noong panahon ng mga Espanyol. Ngunit dulot ng urbanisasyon at kapabayaan, ang noo’y malinis at buhay na ilog, ay binansagang “biologically dead” noong 1990 at tuluyang nabalot ng polusyon.
Ayon sa Statistica, mahigit kumulang 63, 000 metrong toneladang basura tulad ng plastik ang isinusuka ng Ilog Pasig sa Pilipinas kada taon at nangungunang kontributor sa halos 6.43% ng plastik sa mga karagatan sa buong mundo noong 2019. Maraming programa ang isinulong ng mga nakalipas na administrasyon tulad ng Pasig River Rehabilitation Program sa tulong ng Danish International Development Agency (DANIDA) noong 1991 at maging ang pagbuo ng Pasig River Rehabilitation Commission noong 1999 na naglalayong linisin at ibalik ang dating ganda ng Ilog Pasig ngunit binuwag ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.

Ang mga water lily at basura ay nagkalat sa gilid ng Ilog Pasig habang dumadaan ang mga estudyante /
Kuha ni Brian Rubenecia
Sa dami ng mga programang inilaan sa Ilog Pasig, sapat na kaya ito para sa inaasam na pagbabago sa katubigan at kapaligiran?
Noong ika-17 ng Enero sa kasalukuyang taon, muling nag-organisa ang gobyerno ng proyektong hangad na bigyang buhay muli ang Ilog Pasig — ito ang Pasig River Urban Development Project (PRUDP) na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos kasama ang asawa na si First Lady Liza-Araneta Marcos.
Ang PRUDP ay nakapaloob sa Executive Order 35 na inilathala ng pangulo noong Hulyo 25, 2023. Layunin ng mandatong ito na baguhin ang Ilog Pasig bilang isang sentro ng pang-ekonomiyang aktibidad, turismo at pagsusulong ng konektibidad sa transportasyon sa kalakhang Maynila at kalapit na mga lalawigan.
Ayon sa pangulo, nais niya gawing sentro at himukin ang tao sa pagbabago sa tulong ng kaalaman mula sa mga eksperto at pagbibigay ng buong suporta sa katuparan nito.
Humigit kumulang 18 billion pesos ang perang ilalaan sa proyektong ito na pribadong pinondohan ng mga nangungunang tycoon at taipan sa Pilipinas. Inaasahang matatapos ito sa loob ng 3 hanggang 5 taon batay sa pahayag ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD) Head at Housing secretary na si Jose Rizalino Acuzar.

Ang mga tao ay namasyal sa kahabaan ng Pasig River Esplanade sa Maynila / Kuha ni Judy Ann Estil
Sa patuloy na paglulunsad ng nasabing proyekto, tinatayang 5,000 hanggang 10,000 mga pamilyang nakatira malapit sa ilog ang maaaring maapektuhan. Ayon kay Romando Artes, chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pansamantalang ire-relocate o ililipat sa mga container vans ang mga pamilyang madadamay habang itinatayo pa lamang ang mga housing facilities para sa kanila.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga Mayor ng Metro Manila upang makahanap ng espasyo para sa pansamantalang tirahan nito.
Ngunit, sang-ayon at handa kaya ang mga residente na lisanin ang tirahang pinamalagian nang mahabang panahon?
Ang Relokasyon dulot ng Rehabilitasyon
Ayon kay Aling Myrna Gonzales, 67 na taong gulang at residente ng Brgy 284, District 3 sa lungsod ng Maynila, wala pang abiso ang lokal na gobyerno sa pagsisimula ng rehabilitasyon ngunit batid niya ang posibleng relokasyon na ika niya’y matagal na rin plano.
“Wala naman tayo magagawa kasi government property 'to eh. Kami dati, may location (relocation) na kami sa San Jose Del Monte, Bulacan. Kaya lang, ang problema, wala kaming trabaho doon, e’ dito talaga ang hanapbuhay namin kaya bumalik rin kami lahat dito. Halos lahat ng nabigyan ng relocation sa Bulacan e’ bumalik rin dito. Kahit na gusto naming tumutol, wala rin kaming magagawa.” sabi ni Aling Myrna.
Simula noong 1980 pa naninirahan si Aling Myrna at ang kanyang pamilya sa tabi ng ilog Pasig. Bagamat nais pang manatili, ani niya’y walang silang magagawa kundi sumang-ayon na lamang sa kinauukulan.

Isang residente malapit sa Ilog Pasig ang nakapanayam tungkol sa PRUDP / kuha ni Judy Ann Estil
Ang Tugon ng Lokal na Gobyerno
Suportado ng mga mayor sa kalakhang maynila ang isinusulong na PRUDP gaya ni Manila City Mayor Honey-Lacuna Pangan na dumalo rin sa launching ng nasabing programa kasama ang Pangulo at First Lady nito noong Enero 17. Aniya, makikipagtulungan siya sa proyektong ito na makakatulong sa lungsod gaya ng posibleng dagdag kita mula sa mga restaurant na ilalagay ng Department of Tourism sa kahabaan ng ilog. Ngunit, siniguro niya na may pabahay na nakalaan sa maaapektuhan ng rehabilitasyon.
Maging si San Juan City Mayor Francis Zamora ay nakiisa sa paglilibot sa mga lugar na nasa tabi ng Ilog Pasig kasama sina Department of the Interior and Local Government Secretary Atty. Benhur Abalos, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jerry Acuzar at MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes noong Enero 15. Siniyasat nila ang mga lugar na maaaring paunlarin upang maging isang linear park na lalagyan ng jogging path, walkway, bikeway at iba pang pasilidad.

Ang mahabang pasilyo o esplanade sa gilid ng Ilog Pasig / kuha ni Judy Ann Estil
Marahil, tuloy na tuloy na ang pagsasagawa ng PRUDP. Ngunit, paano kaya masisiguro na ang pangakong proyekto ay hindi mapapako?
Ang Pananaw ng Organisasyong Pangkapaligiran
Kung si Chuck Baclagon ang tatanungin, isang financial campaigner mula sa 350.org, nakikita niya na may potensyal ang nasabing proyekto. Aniya, upang mas mapagbuti pa ang inisyatibong ito, kailangan itong siyasating maigi at ikumpara sa mga nakaraang proyekto.
Mahalagang malaman ang mga bagay na dapat pagtuunan nang pansin upang mas mapaghusay at maging maagap ang solusyon sa hamong kinakaharap ng ilog Pasig.
"There should be greater scrutiny in terms contrasting it with already existing development projects being implemented by the government like the Pasig River Expressway," ani ni Baclagon.
Kung babalikan noong Marso sa kasalukuyang taon, iniulat ang pagbibitiw ng San Miguel Corporation (SMC) sa plano nitong pagtatayo ng Pasig River Expressway (PAREX) na nagkakahalaga ng ₱81.53 na bilyong piso. Ayon sa SMC Chief na si Ramon Ang, ang kanselasyon ng proyekto ay bilang tugon sa panawagan at opinyon ng publiko hinggil sa posibleng masamang epekto nito sa kapaligiran.

Ang Pasig River Ferry ay nakahinto sa kahabaan ng Ilog Pasig / kuha ni Brian Rubenecia
Kaya naman, binigyang diin ni Baclagon na dapat kilalanin mabuti ang buong proyekto upang malaman ang pinakamainam na solusyon at hindi mabaliwala ang karapatan ng mga tao sa komunidad. Sa ganitong paraan, makakamit ang environmental sustainable urban landscape at ang hinahangad na ecological protection at conservation.
"Urgency is justice in some contexts where swift action on climate is crucial; sometimes, controversial solutions can be justified, but there are red lines." ani niya.
Dagdag pa niya, dapat magkaroon ng kolaborasyon ng iba't ibang solusyon dahil walang isang tiyak na solusyon na sasapat sa mga problemang pang-kapaligiran.
Ang Pagbabago sa kamay ng mga Pilipino
Ang paghahangad ng pagbabago tulad ng muling pagbibigay-buhay sa Ilog Pasig ay isa lamang sa mga pangarap ng ating bansa. Sino nga naman ang tatanggi sa proyektong maghahatid ng kaunlaran, kalinisan at kaayusan sa ilog na tuluyang binalot ng kadiliman.
Ngunit, sa patuloy na pagsusulong ng PRUDP, umusbong ang iba’t ibang lente mula sa mga indibidwal o sektor na nakikita ang posibleng epekto nito, masama man o mabuti. Kaya naman, ang pagdaing o panawagan ng mga mamamayan ay dapat pakinggan ng pamahalaan upang makagawa ng mainam na hakbang na may pagsasaalang-alang sa komunidad at kapaligiran.
Maaaring ang proyektong ito ay maging susi sa panunumbalik ng kagandahan, kasiglahan at makulay na mukha ng Ilog Pasig. Subalit, ang tunay na pagbabago ay magsisimula pa rin sa atin kung sama-sama tayong kikikilos at makikibahagi tungo sa kaganapan nito.

Ang tanawin ng Ilog Pasig mula sa tulay ng Binondo-Intramuros / Kuha ni Brian Rubenecia
Article | Brian Rubenecia & Kent Merrie Mejares
Contributors | Pexcel John Bacon & Judy Ann Estil
Layout | Judy Ann Estil
Photo | Brian Rubenecia & Judy Ann Estil
Comentarios